PEACE TALK,
POSIBLENG MABUKSAN MULI
By RUBEN GERARDO
Filipino
Resource Center, Oslo, Norway June 14, 2005
Muling nabuksan
ang posibilidad na matuloy ang Peace Talk matapos ang isang linggong
konsultasyon ng Norwegian government sa NDFP.
Ang Norwegian
government ay umaaktong facilitator sa Peace Negotiation sa GRP
(Government of the Republic of the Philippines) at NDFP (National
Democratic Front of the Philippines).
Sa peace panel
na pinangunahan ng NDFP chair Luis Jalandoni kasama ang Chief
Political Consultant na si Prof. Jose Maria Sison ay humarap sa
isang informal na pakikipag-usap sa Norwegian government nitong
unang linggo ng Hunyo sa Oslo para igpawan ang mga isyu na nagiging
sagabal sa pag-resume ng Peace Talks. Natigil ang pag-uusap ng
magkabilang panig sa unang bahagi ng 2005 nang igiit ng pamahalaan
ni Presidente Arroyo na pumayag ang NDFP sa isang
“cease-fire-agreement” habang hiningi naman ng NDFP ang pagtanggal
kay Prof. Jose Maria Sison at sa CPP sa terrorist list na inilabas
ng US at sinang-ayunan ng European Union.
Sa maiksing
panayam ng Filipino Resource Center sa Oslo, Norway kay NDFP Chief
Political Consultant Jose Ma. Sison, linilinaw niya ang ilan sa mga
kaugnay ng ginanap na konsultasyon.
INTERBYU KAY
PROF. JOSE MARIA SISON, NDFP CHIEF POLITICAL CONSULTANT
Bakit on and
off ang GRP-NDFP peace talks?
JMS: On and off ito dahil ang GRP ay hindi marunong sumunod sa mga napagkasunduan.
Nauuntol ang formal talks tuwing ipinipilit ng GRP na sumurender sa
GRP ang NDFP. Hindi naman papayag ang NDFP dahil labag ito sa
kanyang rebolusyonaryong prinsipyong ipanindigan at ipagtanggol ang
mga karapatan at interes ng sambayanang Pilipino. Walang respeto ang
GRP sa principles of national sovereignty at noncapitulation na
nakasaad sa The Hague Joint Declaration.
May pag-asa
pa bang mabuksan muli ang peace talks?
JMS: Mayroon,
bastat ipatupad ng GRP ang kanyang mga tungkulin at obligasyon sa
mga kasunduan. Dapat itulak ng sambayanang Pilipino ang GRP na
ipatupad ang kanyang mga tungkulin at obligasyon. Dapat sumabay ang
GRP sa NDFP sa pagharap at paglutas sa mga malubhang problema ng
pagsasamantala at pang-aapi.
Anu-ano ang mga
thorny issues sa peace talks?
JMS: Nauntol ang
peace talks dahil nagsabwatan ang GRP at US na ilagay ang CPP/NPA at
ang NDFP chief political consultant sa umano’y terrorist list. Labag
ito sa principle of national sovereignty na nasa The Hague Joint
Declaration. Labag din ito sa Joint Agreement on Safety and Immunity
Guarantees. Gayundin, labag ito sa Hernandez political offense
doctrine at batayang demokratikong karapatang tao na nakasaad sa
Comprehensive Agreement on Human Rights and International
Humanitarian Law o CARHRIHL. Ginagamit ng administrasyong Arroyo ang
terrorist listing para labagin ang karapatang tao ng mga panelist,
consultant at iba pang taong awtorisadong kalahok sa peace
negotiations. Sa ngayon, hindi lamang ang NDFP chief political
consultant ang ginigipit at pinagbabantaang patayin, kundi pati si
UN Justice Romeo T. Capulong at iba pang mga konsultant na nasa
Pilipinas at maging ang nasa labas ng bansa.
Anu-ano naman
ang counterproposals ng bawat panig para maigpawan ang mga issues na
ito?
JMS: Sinabi na
ng GRP na mawawala ang CPP/NPA at NDFP chief political consultant sa
terrorist list kung susurender ang NDFP sa GRP. Tugon naman ng NDFP
na dapat itigil ng GRP ang kanyang pakikisabwat sa US at sumabay sa
NDFP sa pagkondena sa terrorist list. Sa gayon maipapamalas ng GRP
na marunong itong sumunod sa mga kasunduan na tulad ng The Hague
Joint Declaration, JASIG at CARHRIHL. Pinagsasabihan ng NDFP ang GRP
na itigil ang pagsalakay sa mga mamamayan sa mga lunsod at kanayunan,
ang pangingidnap, pag-torture at pamamaslang at sapilitang
pagpapaebakweyt.
Ano ang
inaasahan ng NDFP na magiging resulta ng peace talks?
JMS: Dumidilim
ang hinaharap ng peace negotiations dahil labis-labis ang pagkapapet
ng GRP sa US, masyadong korap ito, sobra-sobrang magsamantala at
mang-api. Kung hindi magbabago ang gawi ng rehimeng ito, walang
maliwanag na kabutihang ibubunga ang peace negotiations. Huhusay
ang hinaharap sa peace negotiations kung itigil ng GRP ang kanyang
layunin ng pagpapasuko at pasipikasyon sa masang anakpawis at
pwersang rebolusyonaryo. Dapat tugunan at lutasin ng peace
negotiations ang mga batayang problema sa lipunan, ekonomiya at
pulitika sa pamamagitan ng mga batayang reporma.
Ano ang
pagtingin ng NDFP sa tumitinding atrocities sa Eastern Visayas. Sino
ang involved dito? Ano ang kanilang motibo sa pagsasagawa ng mga ito?
JMS: Maliwanag
na ang mga atrocities ay ginagawa sa ilalim ng berdugong heneral na
si Palparan. Tama ang sinasabi ng ilang kongresista sa Eastern
Visayas na ang heneral na ito ang may pananagutan sa mga pagpatay na
nagaganap. Mas mataas kay Palparan, ang US at rehimeng Arroyo ay may
pananagutan din. Sila ang mga halimaw na nagnanais supilin ang
demokratikong kilusan ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang
mamamayan nang sa gayon patuloy na makapagsamantala at makapang-api
ang monopolyo kapitalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Ano ang
magiging response ng NDFP sa tumitinding paglabag ng police at
military sa karapatan ng masa sa Pilipinas?
JMS: Patuloy na
ikukondena ng NDFP ang tumitinding paglabag ng militar at pulis sa
karapatan ng masang Pilipino. Sasang-ayunan at susuportahan ng NDFP
ang pagkilos ng sambayanang Pilipino laban sa mga lumalabag sa
kanilang mga karapatan.
Ano ang papel
ng kilusang masa sa Pilipinas kaugnay ng peace talks at sa
pakikibaka sa pambansang demokrasya sa ilalim ng rehimen ni Arroyo?
JMS: Dapat
pag-ibayuhin ng kilusang masa ang pakikibaka para sa pambansang
kalayaan at demokrasya laban sa US at rehimeng Arroyo. Dapat igiit
ng masang Pilipino na irespeto at sundin ng GRP ang mga kasunduan
nang sa gayon maging bukas ang daan para sa formal talks ng peace
negotiations.
Ano ang
pagtingin ng NDFP at CPP sa ”Frente Amplio”, isang kaliwang kilusan
sa Uruguay? Itinuturing niyo ba itong isang lehitimong
rebolusyonaryong kilusan?
JMS: Sa taon
lamang na ito ng 2005 naluklok sa kapangyarihan ang ”Frente Amplio”
sa Uruguay. Sa mga susunod na taon pa lamang natin makikita kung ito
ay tunay na rebolusyonaryo o repormista ba. Rebolusyonaryo ito kung
ibabagsak niya ang naghaharing uri ng malalaking komprador burges at
panginoong maylupa. Subalit repormista lamang ito kung hahayaan
niyang manatili ang mga mapagsamantalang uri sa kapangyarihan.
post comment
|
0 comments
|