PROTEKTAHAN ANG KARAPATAN AT KAPAKANAN NG DOMESTIC WORKERS SA SAUDI
Talumpati
na ibinigay ni Rep. Emmeline Aglipay sa Batasan bilang isang Privileged Speech
tungkol sa mga natuklasan niyang mga problemang hinaharap
ng ating mga OFW sa Saudi Arabia at mga hakbang na kailangan para maprotektahan
ang kapakanan nila.
Enero 18, 2011
Ano ang presyo ng isang pangarap?...Isang
pangarap maka-angat sa kahirapan...ang simpleng hangaring mapag-aral
ang iyong mga anak at kapatid.... ang marangal na pag-nanais
makapag-bigay ng mas magandang buhay at kinabukasan para sa kanila?
Ang solusyon para sa nakararami nating
kababayan ay mangibang bansa upang makakuha ng mas malaking sweldo.
Bawat araw mahigit sa 3,800 na Overseas Filipino Workers ang
pinapadala sa ibang bansa para mag-trabaho. Mayroon ng mahigit sa
8.5 milyong migranteng manggagawang Pilipino. 3.4 Million ay
nakatira sa America, 2.42 Million sa Middle East, 1.07 Million sa
Asya, at 722,427 ang sa Europa. Sila ang nakapagpasigla sa ating
naghihingalong ekonomiya, at nakapag-pabuhay sa milyon-milyong
pamilya sa Pilipinas. Ayon sa Migration and Remittances factbook ng
World Bank, May humigit kumulang na 21.3 Bilyong US Dollars ang
naipadalang pera ng mga migranteng Pilipino noong nakaraang taon.
Ito’y sumasaklaw sa 9-12% ng ating GNP.
Sa bilyong-bilyong dolyar na
naipapasok nila sa ating ekonomiya, ano ba talaga ang kinakailangang
pagbayaran ng ating mga OFW? Ang pagsasakripisyo nila’y hindi lang
sa pag-kakalayo’t pangungulila sa pamilya, o pag-tutunggali sa
malubhang mga kundisyon ng trabaho-- minsan dangal, at buhay na ang
nagiging kabayaran.
Nababasa natin sa mga peryodiko na may
mga kababayan tayong ginagahasa at napipilitang mag-aabandona ng
kanilang bagong silang. Ang mga kaganapang ito’y kalimitang sa
Middle East kung saan 2.42 na Milyong Pilipino ang namamalagi. Ang
hapdi ng pag-papakasakit ng mga kababayan natin ay nadama ko nang
bumisita ako sa Saudi Arabia.
Noong Hubes ay kararating ko lang
galing Saudi Arabia para sa isang opisyal na fact-finding mission na
pinamumunuhan ni Congressman Walden Bello, ang Chairman ng Committee
on Overseas Workers Affairs. Kasama din namin ang Vice-Chairperson
ng komite na si Congresswoman Maria Carmen Zamora-Apsay at si
Congressman Cresente Paez. Pumunta kami sa Riyadh, Jeddah at Al
Khober upang malaman ang kundisyon ng mga distressed OFWs, yung mga
nagkakaproblema sa kanilang mga employer dahil sa pisikal o sexual
na pang-aabuso, paglabag sa mga kundisyon ng kanilang kontrata o
hindi pagpapa-sweldo ng tama.
Ayon sa June 2010 records ng Embahada
sa Saudi Arabia, may humigit kumulang na 1.8 Milyon na OFW duon kung
saan 70% ay professional o skilled workers at ang 30% percent naman
ay non-skilled. Ang mga distressed OFWs ay napapabilang sa
tatlumpong porsyentong non-skilled workers. Halos lahat sa kanila’y
mga kasambahay o domestic worker sa Saudi.
Nang magkaroon kami ng oportunidad
makabisita sa distressed OFW shelter sa Riyadh at Jeddah, lubos
akong naapektuhan ng pighati’t pagpapasakit na pinagdaanan nila.
Kung dati’y mabasa ko palang sa diyaryo’y mabigat na ang loob ko’t
lubos na nalulungkot, ngayon na nakausap, nakita, at nayakap ko
sila’y hindi ko napagilan ang sarili ko sa pag-iyak.
Hindi ko makayanang tanggapin na
alipin ang pagtrato sa ating mga kababayan, at kung minsan ay
masahol pa sa pagtrato sa hayop.
Kinukulong sila sa kwartong walang
bintana at pag-bubuksan nalang twing pag-tratrabahuhin na sila. Ang
trabaho ay magdamag – naglalaba’t naglilinis, namamalantsa, nag-aalaga
ng limang bata hanggat sa magkasakit na sila pero pinagtratrabaho pa
din. Inaabot ng hanggang alas tres ng madaling araw ang trabaho.
Pero tinitiis nila ang paghihirap alang-alang sa perang maipapadala
nila sa kanilang pamilya.
Nang makausap ko ang isa sa kanilang
nasa Bahay Kalinga ang shelter para sa distressed OFWs sa Riyadh,
mangiyak-ngiyak niyang sinabi niya sa akin, na kaya naman niyang
tiisin ang bigat ng trabaho. Kahit na pinapaso siya ng plantsa o
inuuntog ang ulo niya sa pader pinapalagpas nalang niya. Ang hindi
lang talaga kayang tanggapin ay nung rinape na siya ng kanyang amo.
Mangilang-araw na nakatunganga lang siya hanggat sanapagdesisyunan
niyang tumakas.
Para makatakas, ang iba’y tatalon ng
bintana ng bahay, ililigtas at susunduin sila ng mga opisyal ng
Philippine Overseas Labor Office o POLO at Labor Attache ng embahada,
at dadalhin sila sa ating shelter. Mayroon nga pong nababalian ng
balakang dahil sa pagtalon sa bintana’t pagtakas, ngunit mas
gugustuhin pa po nila yun kaysa manatili sa isang impyernong
kalagayan sa amo nila.
Bukod sa mga problemang pang-aabuso ay
karaniwang ding problema ang mga hindi swini-sweswelduhan.
Napakarami naming naka-usap na tatlo o apat na buwan nang nag-tratrabaho
pero hindi pa din na-sweswewlduhan.
Minsan naman ay kulang ang kanilang
sweldo, o mas maliit ang sweldong natatanggap nila kay sa sa
nakalagay sa kontrata. Ito ang tinatawag na contract substitution.
Sa contract substitution, minsan hindi
lang ang sweldo ang nag-iiba, pati ang klase ng trabaho o di kaya
ang lugar na pag-trartabahuhan. Sewer ang nakalagay sa kontrata pero
domestic worker naman pagdating sa Saudi. Sa ating batas mananagot
ang mga agency nila dito sa Pilipinas, ngunit dapat maparusahan din
ang counterpart agency sa Saudi. Sa kasalukuyan may sistema ng
pagrehistro sa mga agency sa Saudi sa ating embahada. Kung mayroong
naging biktima ng contract substitution, dapat suspendihin o di
kaya’y itigil na ang pakikiugnayan ng ating embahada sa Saudi agency
na iyon.
Napapadami na din po ang mga balitang
nasisiraan na ng bait ang ating mga OFW at minsan nagtatangka pa
silang magpakamatay. Sunod-sunod na din ang mga balita tungkol mga
sanggol na iniiwan sa palikuran ng mga eroplanong bumabiyahe galing
sa Middle East dahil umano sa pang-gagahasa ng kanilang mga ina.
Kung maalala ninyo, nung Setyembre po sa Gulf Air, at ngayong
pagpasok ng bagong taon mayroon na naman sa Etihad Airways na galing
sa Abu Dhabi.
Sa aking palagay, kinakailangan nang
ipatupad ang Section 3 ng RA 10022, na nagsasaad na papahintulutan
lang ang deployment ng overseas Filipino workers sa mga bansang
pumuprotekta sa mga karapatan ng mga Pilipinong manggagawa. Nakasaad
sa batas na itinuturing bilang isang garantiya na ang receiving
country ay promoprotekta sa karapatan ng mga OFW kung mayroon ang
alin sa mga ito:
Una, kung mayroong nang mga umiiral at
ipinapatupad na labor at social laws sa receiving country na
prumoprotekta sa karapatan ng mga manggagawa, kasama na ang mga
migranteng manggagawa; o
Pangalawa, kung ang receiving country
ay signatory o nag-ratify sa mga multi-lateral na kumbensyon,
deklarasyon or resolusyon na patungkol sa pag-proprotekta sa mga
manggagawa, kasama na ang mga migranteng manggagawa; o
Pangatlo, kung mayroong isang
bilateral na kasunduan o kaayusan ang receiving country at ang
Pilipinas para sa pag-proprotekta ng karapatan ng OFWs.
Kinakailangang gumagawa ng mga
kongkreto at positibong hakbang ang receiving country upang
protektahan ang karapatan ng mga migranteng manggagawa para sa
pagsulong ng mga garantiyang nabanggit.
Kung walang malinaw na batayang
tumutupad sa kahit isa sa mga garantiyang nabanggit sa bansang
pupuntahan ng migranteng Pilipino, hindi maaring mag-issue ng
deployment permit ang POEA sa bansang iyon.
Ang Department of Foreign Affairs, sa
pamamagitan ng mga embahada sa ibang bansa, ang inaatasang mag-issue
ng sertipikasyon sa POEA na tumutukoy sa mga may kinalamang
probisyon ng labor at social laws ng bansang tumatanggap ng OFW; o
ang kumbensyon, deklarasyon o resolusyon; o ang bilateral na
kasunduan o kaayusan na prumoprotekta sa karapatan ng mga migranteng
manggagawa.
Ang unang hakbang para matapos na ang
pagpapasakit sa mga kababayan nating domestic worker sa Saudi, sa
Gitnang Silangan, at sa buong mundo ay bigyang katuparan ang
probisyong ito ng RA 10022.
Resonable naman po ang ating hinihingi
sa mga bansang nakikinabang sa serbisyo at pagod ng mga kababayan
natin: kilalanin naman nila ang karapatan ng ating mga kababayang
Pilipino bilang manggagawa. Tiyakin dapat ng gobyerno ng tumatanggap
na bansa ang karapatan ng mga OFW sa isang minimum wage, sa mga
resonableng oras ng pagpapahinga at tamang pag-kain, sa desenteng
mga kundisyon ng pagtrabaho at maayos na tirahan....Tratuhin naman
po nila ang ating mga kababayan bilang tao! Hindi po yung
ikinukulong sa isang kwartong walang bintana! Hindi yung isang
tinapay lang ang pinapakain sa limang araw! Hindi yung bubugbugin
sila at gagahasain! Masahol pa sa hayop ang pagtrato nila sa mga
kakabayan nating domestic worker!
Sa halip na may katiyakan sa labor
laws ng Saudi ang pag-protekta sa ating mga Pilipinang domestic
worker ay kabaligtaran ang nakasaad sa kanilang batas. Sa Section 7
ng Saudi Labor Law, particular nilang hindi sinasama sa saklaw ng
proteksyon ng Labor Law ang mga domestic worker.
Responsibilidad ng ehekutibong
ipatupad na ang RA 10022. Sa ngayon po, wala pang ini-issue ang POEA
na listahan ng mga bansang tumutupad sa alin sa mga garantiya ng
Section 3 ng RA 10022. Alam ko naman pong matagal nang sinisikap ng
Department of Foreign Affairs at ng embahada natin sa Saudi na
magkaroon ng mga bilateral na kasunduang prumoprotekta sa ating mga
domestic worker. Ang pangangailangan ng mga bilateral na kasunduan
ay nirerecognisa rin ayon sa mga rekomendasyon ng mga Komite ng mga
treaty based bodies tulad ng UN Committee on the Elimination of All
Forms of Discrimination Against Women, UN Committee on the Economic,
Social and Cultural Rights at ang UN Committee on the Protection of
the Rights of all Migrant Workers and Members of their families.
Alam kong matagal at mahirap na
proseso ang pagkakaroon ng isang Bilatereal Labor Agreement at sa
ngayon ay kailangan na ng agarang tulong ng ating mga distressed na
OFW, particular ang mga domestic workers na minamaltrato. Sa
kasalukuyan, nakita ko na ang mga opisyal natin sa embahada ay
tintaya ang kanilang mga buhay at inilalaan ang kanilang pagod at
panahon upang magawan ng paraang mailigtas ang mga namimighati
nating mga domestic worker sa Saudi at maiuwi sila sa Pilipinas. May
mga regulasyon ang embahada upang pangalagaan ang interes ng ating
mga domestic worker at kontrolin ang pag-empleyo ng mga domestic
worker sa Saudi. Sa ngayon ay ipinapatupad na nila ang pag-lagay sa
watchlist sa employer na abusado. Ito ang nagiging basehan upang
hindi na sila payagan ng POEA na kumuha ng domestic worker na
Pilipina.
Sa susunod na pag-uusap sa budget,
tingnan din po sana natin ang pondong inilalaan para sa
implementasyon ng Migrant Workers’ Act. Sa 2010 na Budget ang
alokasyon para sa implementasyon ng RA 8042 ay 228, 787, 000.00,
samantalang sa 2011 bumaba ang alokasyon at naging 136, 480,000.00.
Bumaba ng halos isan daang milyon. Nanawagan din ako sa ating
mabuting Pangulo na pagtuonan ng atensyon ang pagligtas ng mga
minamaltrato’t inaabusong domestic workers sa Saudi. Kung mayroong
mga libreng pondo galing sa mga lump sum discretionary funds ay
mailaan sana ito para sa pagligtas ng mga inaabusong domestic
worker.
Sa lalong madaling panahon kailangan
nang ipatupad ang Section 3 ng RA 10022. Kung hindi mabibigyan ang
Saudi ng sertipikasyon na ang kahit alin sa mga garantiyang nasa
Section 3 ng RA 10022 ay promuprotekta sa karapatan ng mga domestic
worker, hindi muna dapat mag-issue ang POEA ng deployment permit
para sa mga domestic worker na patungong Saudi. Ito ang magtutulak
sa Gobyerno ng Saudi para magkaroon ng madaliang pagkilos na
mabigyang daan ang isang Bilateral agreement para sa ating mga
domestic worker. Ayon sa mga opisyal ng embahada sa Saudi,
pinapaboran ng mga Saudi ang pagkuha ng Pilipinang domestic worker
kumpara sa ibang mga bansa. Kaya ang panandaliang pag-hinto ng pag-deploy
ng domestic worker duon hanggat sa matugunan na ang ilan sa mga
garantiya ng Section 3 ng 10022 ay kinakailangan na upang umusad ang
negosasyon para sa isang bilateral na kasunduan.
Handa ba tayong itaya ang buhay ng
ating mga domestic workers sa Saudi para lang sa perang ipinapasok
nila? Ako po, hindi.
Huwag na tayong pumayag baliwalain ang
karapatan ng ating mga domestic worker sa Saudi. Tiyakin na muna ng
gobyerno ng Saudi na may proteksyon ang ating mga domestic worker sa
batas nila o magkaroon muna ng bilateral na kasunduan bago tayo
mag-padala pa ng mga domestic worker duon.
Ano ang presyo ng isang pangarap?!
Sino ba naman ang nangarap na ma-baboy ang katauhan at matratong
parang hayop?!
Hindi natin ipinagbebenta ang
kapakanan ng ating mga kababayan dahil hindi na-prepresyuhan ang
buhay at dangal.
Maraming salamat po.
post comment
|
0 comments
|